Tuesday, February 12, 2013

Tik tok tik tok

Based on the date below I wrote this two years ago, on new years eve. Posting it now for everyone to read. Enjoy. :)

====================================
2010-12-31....

Ilang minuto na lang at matatapos na ang taon. Iba’t ibang klase ng tunog at ingay na ang maririnig mong nanggagaling sa labas - ang iba’t-ibang ritmo ng mga paputok na parang machine gun, ang mga sintonadong boses ng kapitbahay na halos maputol ang litid maabot lang ang tonong hindi para sa kanya, ang mga kakaibang tunog na ginagawa ng keyboard sa kabilang bahay, ang naka-ritmong tunog ng drums sa kabila pa, at iba pa. Sa sobrang dami, sa sobrang lakas, halos hindi ko na rin marining ang sarili kong nagmumuni-muni. Siguro ay mabuti na rin ito para hindi ko na rin marinig ang patuloy na binubulong ng aking isipan - na pagkatapos ng matagal na panahon, hindi kita kasamang sasalubong sa bagong taon.

Tandang-tanda ko pa ang mga nakaraang bagong taon. Kung tutuusin, wala din namang pinag-iba masyado sa mga kaganapan ngayong bisperas ng bagong taon. Maingay din ang kapitbahay kakakanta, sunod-sunod din ang pagpapaputok ng mga kapitbahay sa labas, kung anu-anong mga instrumento rin ang maririnig mong tinutugtog. Ngunit hindi ko yun masyadong alintana noon. Ibang klaseng ingay ang naririnig ko noon - ang pagsusumigaw ng puso ko sa saya dahil kasama kita. Iyon lang masaya na ako.

Ang sabi nila, mag-ingat ka kung anong gagawin mo sa araw ng bagong taon dahil iyon ang gagawin o mangyayari sa iyo sa buong taon. Mukhang hindi totoo ‘yun, kase kung totoo yun dapat kasama pa rin kita hanggang ngayon. Sana hanggang ngayon masaya pa rin ako. Sana kasama pa rin kitang sasalubong ng bagong taon.

Hindi ko na matandaan kung paano nga ba tayo nagkalayo. Parang ambilis kasi ng mga pangyayari. Parang isang sandali lang, masaya tayo habang kumakain ng taho sa ilalim ng paborito nating puno sa parke, pagkatapos biglang hindi na tayo nag-uusap. May pinag-awayan ba tayo? May nagawa ba kong mali? Binigyan ba kita ng dahilan upang magtampo at magalit sa akin? Hindi ko na talaga maalala. Ang tanging naalala ko ay ang sakit na naramdaman ko nung sinabi mong tapos na tayo. Hanggang ngayon siguro, hindi ko pa rin lubusang natatanggap. Kahit na ilang linggo at buwan na ang lumipas simula ng nangyari ang mga bagay na ni sa panaginip hindi man lang sumagi sa akin. Ganun talaga siguro kapag hindi mo inaasahan ang isang bagay, mananatili siya sa iyo hanggang sa masagot ang lahat ang mga katanungan mo, o hanggang sa unti-unting paghilumin ng panahon ang sakit na naramdaman mo.

Ngayon, haharapin ko ang bagong taon ng wala ka. Mag-isa man ako, hindi ko na lamang iyon iindahin. Sinabi naman nila pinaghihilom ng panahon ang lahat ng mga bagay. Sana kasama na rin doon ang puso ko. Naging mapait man sa akin ang pagkakataon at panahon, magiging positibo pa rin ako sa hinaharap.

Bagong taon, bagong buhay.
====================================

No comments:

Post a Comment