Monday, January 12, 2015

Tonya

New year, new phase, new life! At para simulan ang bagong taon, dapat magpalit din ako ng pangalan.

"Tonya!"

Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang pangalan ko. Anak ng butanding. Sino na naman kayang hampaslupa ang tumatawag sakin sa ganung pangalan? Ang aga-aga nambubuwisit. Mukhang sa boses si Tet yun, so malamang anak nga ng butanding. Mabuti pa'y hindi ko na lang papansinin at itutuloy ko na lang ang paglalakad.

"Tonya, hoy!"

Aba makulet. Bahala ka sa buhay mo. Dededmahin lang kita.

"Hoy Tonya ano ba!"

Mukhang papalapit ng papalapit na sya. Bahala syang mamaos.

"Hoy Tonya!" sabay batok sakin.

"Aray naman!" Anak ng tipaklong, nambatok pa. "Kelangan talaga may batok? Muntik na tumalsik yung pustiso ko!"

"Pustiso ka jan, eh wala ka pa ngang nabubunot na ngipin. Gusto mo buntalan kita nang magka pustiso ka na talaga?" hirit naman ni Tet.

Hindi naman pwedeng malamangan nya ko noh, binatukan ko rin si Tet. "Ang aga aga friend ang init-init ng ulo mo. Ano na namang problema mo?"

"Eh paano ba naman hindi tataas ang presyon ng dugo ko eh kanina pa kita tinatawag hindi ka lumilingon. Pwede na nga akong rentahan ng fire department kase mas malakas pa boses ko sa wangwang nila pero waley pa rin. Nakakawalang poise!" nanggagalaiting sagot sakin ni Tet.

"Eh kase 'Tonya' ka ng 'Tonya', eh ilang beses ko na sinabi sayo na 'Toni' ang nickname ko. Malamang ndi ako lilingon." biro ko sa kanya.

"Bakla ka, eh bata pa lang tayo 'Tonya' na tawag ko sayo! Ngayon ka pa nagpalit ng pangalan!"

"Basagan ng trip, ganyan?! 'Toni' ang pangalan ko. Period!'

"Ay nag college lang 'Toni' na ang pangalan? Nag college ka lang lumandi ka na friend!" sabi ni Tet habang nakangiti.

"Syempre, the only constant thing is change." balik ko sa kanya.

Ganyan kami magusap ni Tet. Para kaming mga hosts sa comedy bar. Parati kaming nagbabaklaan. Pero wag ka, mga totoong babae to. Babaeng bakla nga lang.

"Ano bang paandar yan at may name change ka pang nalalaman. Hindi ka naman si Kim Sam Soon para magpapalit ng namesung."

"Ay pake mo ba?" naiirita kong sagot. "New Year na kase, eh di New Name din. Sakto lang naman."

"Washuu, eh di sana last year ka pa nagpalit ng pangalan. At anong suot mong yan? May aatendan ka bang kasal? Debut? Ikaw ba ang reyna emperatriz sa santacruzan? Anong ulterior motive mo bakla?" pang-uusisa ni Tet.

"Kelangan every year nagpapalit ng pangalan? Hindi naman kaya ako maubusan ng pangalan nyan. At bakit andami mong tanong, ha?"

"Yung totoo, dahil ba yan kay... " biglang ngumiti si Tet. At nakangiting aso pa, mukha tuloy syang chowchow.

"Kanino naman aber?" kunwari hindi ko alam, pero alam ko. Deadmatology lang, baka mahalata.

"Asuuus kunwari ka pa. Kanino pa eh di kay Rodney. Ay speaking of... "

Speaking of talaga. Ayun nga si Rodney. Biglang dumaan. Parang naka cue sa pelikula. Naglalakad sya, tapos biglang humangin ng nakapa light. Parang bigla may background music. Ay, may anghel pa. Award ang production number.

Nabalik lang ako sa ulirat ng biglang nagsalita si Tet. "Baks, ung tulo mo lumalaway."

Nataranta ako sa sinabi nya kaya bigla akong napapunas ng bibig. Wala naman palang laway, nagbibiro lang pala si Tet.

"Tet, lukaret ka talaga! Wala naman eh!"

"Ahahaha kase naman baks tulaley ka jan. Buti nga magpasalamat ka sakin kase kung hindi, malamang dun ka din natuloy. Ang mabuti pa girl halika na ata nararamdaman kong darating na ang prof natin." sabi sakin ni Tet sabay hatak sakin papasok ng classroom.

---------------------------

Naging matiwasay naman ang araw na ito, wala namang mga surprise quizzes o di naman kaya'y matitinding mga assignment mula sa prof. Mabuti na rin yun para naman hindi ako haggardo versoza simula pa lang ng taon. Sabi kase nila diba kung ano yung ginawa mo sa simula ng taon yun din gagawin mo ng buong taon. Kakaloka naman yun kung buong taon haggard ka.

Nagpunta ako sa cafeteria para antayin si Tet. May isang class pa kase sya and usapan namin na sabay na kaming uuwi. Magkalapit lang naman kase ang bahay namin so if magtataxi kame mas mura. Sosyal kuno, pataxi taxi lang.

Habang nagiintay kay Tet eh pinagmamasdan ko rin yung mga tao sa paligid. Actually wala naman masyadong tao sa canteen ngayon. Palibhasa hindi pa talaga oras ng meryenda. Iilan lang yung students. Meron dun sa isang kanto na puro libro at notebook ang nasa table. Akala nya siguro library yun. Andun naman sa kabila ibayo may mag jowang naglalampungan. Kung makalingkis sa isa't isa akala mo wala nang bukas. Sarap sabihan na kumuha na ng kwarto.

Habang nagmomonologue ako ng gusto kong sabihin sa magkasintahang sawa eh biglang bumukas ang pinto ng canteen. Humangin ng konti, tapos parang biglang lumiwanag. Tapos as if on cue may background music. Parang bumagal ang lahat habang naglalakad sya papuntang counter...

Ay wait, baka tumutulo na laway ko, punas punas din pag may time. Kaloka talaga tong si Rodney, hindi ko alam kung anong gayuma napainom nya sakin at ganun ang epekto nya sakin. Tulaley ang beauty ko sa kanya. Nakaka shy tuloy makipagkilala.

Pinagmamasdan ko si Rodney habang tumitingin sya ng pagkain sa counter. Maya maya umiling iling siya at nagsimulang maglakad papalayo. Bago pa sya makalayo, napatingin siya sa direksiyon ko at biglang ngumiti, sabay lakad papalapit sakin.

Oh Em Gee. Papalapit na sya. Nataranta ako ng major major. Ang pagkakaalala ko wala namang ibang tao sa direksyon na yun kaya imposibleng ibang tao ang pinupuntahan nya. Bigla na lang akong umiwas ng tingin at nagkunwaring hindi ko siya tinitititigan, kaso nung ginawa ko yun nahulog naman yung bag ko. Saya lang.

Pupulutin ko na sana yung bag ko kaso may ibang kamay na nauna sakin. "Here, let me help you." sabi ni Rodney sakin habang inaabot sakin ang bag ko.

"T... Th... Thank you." pautal-utal ko na lang nasabi. Umayos ka Tonya wag kang hihimatayin.

"You're in Mr. Adriatico's class right? You seat at the middle row with your other friend." Grabe ang lamig nf boses nya. Parang galing freezer.

"Ah...eh...Yes, I am. This is the History class right?" anubayan napapa english ako. Magtagalog ka na please.

"Yup, the 10:30 am one. I saw the Prof earlier and he told me that there'll be no classes tomorrow. He had an emergency meeting daw kase so he had to fly to Butuan."

"Ah... Okay... Uhm... Thanks for the heads up." anubayan, tuliro na nga english pa. Daig ko pa na double dead nito eh.

"Not a problem. I'll see you around." sabi nya ng may ngiti tapos umalis na sya.

---------------------------

"Yun na yun?" react ni Tet nang ikwento ko sa kanya ang nangyari kanina sa cafeteria.

"Oo yun na. Kelangan ba meron pa? Gusto mo magpropose na kagad siya?"

"Eh kase naman kung kiligin ka akala mo nga nagpropose na sya sayo. Yun naman pala sinabi lang na walang class bukas."

"Kaibigan ba talaga kita? Lakas mong makabasag ng trip noh." yamot kong sagot sa kanya.

"Eh kase naman friend.... Ni hindi man lang kayo nagpalitan ng pangalan. Tinawag ka nga lang na 'girl in the middle row' eh."

"Eh syempre kelangan dinadahan dahan yung mga ganung bagay. Mahirap mabigla. Yung kanina nga lang muntik na ko mamatay sa ligaya. Baka matuluyan naman na ko kapag pati pangalan ko kinuha nya." sagot ko sa kanya.

"Friend, dahil friend mo ko sasabihin ko ang totoo. Medyo sobra ang kahibangan mong yan. Tigil tigilan mo yan baka sa mental ka pulutin. Kahit slight lang."

"Napakasupportive mo talaga friend. Sarap mong pagawan ng rebulto."

"Rebulto kaagad? Buhay pa may rebulto na? Dinaig ko pa si Rizal teh."

"Ay hindi rin, kase titigukin muna kita bago kita patayuan ng rebulto!"

No comments:

Post a Comment