Something I wrote yesterday. It's sort of a rough draft. I wrote something similar a couple of years back but it got lost so I decided to write something similar. However while I was writing it the plot changed a bit, and this is the result. The title isn't official, just some random idea I had at the moment. Comments/suggestions are very much appreciated. :)
====================================
Time Loop
Naglalakad si Andoy palayo ng kanilang barung-barong na bahay. Hawak hawak nya ang kanyang pisngi upang itago ang marka ng kamay ng nanay nya. Nagkaroon kase sila ng pagtatalo at nauwi ito sa isang malakas na sampal sa kanyang pisngi.
Kung sya ang tatanungin wala naman talaga syang ginawang masama. Pinagtanggol lang naman nya ang sarili nya mula sa mga taong nangbubully sa kanya sa school. Madalas kase syang pagtripan ng mga kaklase nyang mayayaman, kesyo daw hindi daw sya nababagay sa kanilang eskuwelahan. Siguro nga kung estado ng buhay ang paguusapan, hindi talaga sya nababagay roon. Hindi naman kase sila mayaman, at kaya lang sya nakapasok sa eskuwelahang yon ay dahil isa syang scholar. Kinakailangan pa nyang magtrabaho para lang may pambaon sa araw araw, pero pagkatapos malaman ng boss nya na napaaway sya sa eskwelahan ay sinesante sya nito.
Kungsabagay, kahit papaano ay inaasahan na nyang kahit na anong paliwanag nya sa kanyang ina kung anong totoong nangyari ay hindi sya papakinggan nito. Kahit naman ng bata pa sya ay mainit na ang dugo sa kanya nito. Nung una ay hindi nya maintindihan kung bakit ganun na lamang ang galit ng ina nya sa kanya. Buti na lamang at andun ang lola nya upang ipagtanggol sya. Kaya nga lang, namatay ito bago siya tumungtong ng high school.
Siguro may katotohanan ang mga sinabi sa kanya ng mga kapitbahay nila nung bata pa sya. Na sya ay bunga ng hindi kaaya-ayang pangyayari sa kanyang ina. Sabe kase nila, pinagsamantalahan ang nanay nya nung asa kolehiyo ito. Kahit pa daw mataas ang grado at pangarap ay napilitan itong tumigil pagkatapos malaman na buntis sya. Hindi na raw ito tuluyang nakatapos ng pag-aaral, at ang dating mataas na pangarap ay nauwi sa biglaang pag-aalaga ng batang hindi naman nya ninais.
Sa dami ng kamalasan sa buhay nya, minsan naiisip nyang wala namang halaga ang buhay nya. Wala naman na ang lola nyang kaisa-isang nagpakita ng kabutihan sa kanya. Wala naman sigurong makakamiss sa kanya kung bigla nalang syang maglaho. Baka nga matuwa pa ang nanay nya, isip nya.
-------------------------------------------------------------
“Ang lalim ata ng iniisip mo iho”
Laking gulat ni Andoy sa matandang lalaking katabi nya. Ganun na ata kalalim ang iniisip nya at hindi man lang nya napansin na meron syang katabi.
“Bakit po?”, tanong nya.
“Naglalakad kase ako kanina, at napansin kong parang anjan ka pero wala ang diwa mo. Kanina pa kita pinagmamasdan at kanina ka pa ganyan. Hindi ka naman nagdudrugs no?”, sabe ng matanda.
Ganun na lang siguro kalunos-lunos ang hitsura nya para maisip ng matandang yon na gumagamit sya ng bawal na gamot. “Ahh hindi po, sadyang malalim lang po ang iniisip ko”, sagot nya.
“Bakit ano ba yung inisiip mo, baka may maitulong ako”, sabay ngiti ng matanda.
Tiningnang maigi ni Andoy ang matandang kausap nya. Kung titingnan sa panglabas na anyo, hindi naman ito mukhang masamang tao. Nakaputing tshirt, maong na pantalon, at sinelas. Payak lang ang kasuotan nya pero mapapansin mo na mayaman. Siguro ay dating mahirap ngunit umasenso at nakaraos sa buhay. Gayunpaman, hindi pa rin nya benta na dapat nyang pagkatiwalaan ang matanda. Kung ibabase nya sa mga naranasan nya, wala syang pwedeng pagkatiwalaan.
Siguro ay nabasa ng matanda ang agam-agam nya kaya bigla itong nagpaliwanag. “Iho, okay lang na magkwento ka saken. Hindi naman ako pedophile o kaya’y masamang tao. Naisip ko lang eh kahit papaano eh baka makatulong ako sa iyo. Sa tanda kong ito, masaya na kong makatulong kahit kaunti, lalo na at wala na kong masyadong pwedeng gawin.”
Biglang tumuro ang matanda sa isang malapit na karinderya. “Magmumukha siguro tayong tanga o kaya eh sagabal sa mga taong naglalakad, bakit hindi ka nalang magkwento habang kumakain. Medyo mukha ka nang namumutla, mukhang hindi ka pa kumakain.”
Pagkasabi ng matanda sa kanya ay naramdaman nya ang gutom. Ngayon lang nya naalala na hindi pa nga pala siya kumakain simula kaninang tanghalian. Ang binaon nyang tuyo at kanin ay kinuha ng mga kaklase nya at itinapon sa basurahan dahil hindi daw ito bagay sa mamahalin nilang eskwelahan. Yun ang pinagsimulan ng gulo. Pagdating naman nya sa bahay ay sinimulan kaagad ng ratrat ng nanay nya ang sermon kesyo nakikipagbasag ulo sya. Pagkatapos masampal ng ina ay umalis sya ng bahay.
“Wag ka na mahiya, ako nang magbabayad ng kakainin mo. Ano tara na?” aya ng matanda.
Pinag-isipan niyang mabuti kung tatanggapin nya ang alok ng matanda. Wala naman kase syang makitang masama sa alok nito, at mukha rin namang mabait ang matanda. Maya mayang nagparamdam ulit ang tyan nya at napagpasyahan nyang tanggapin ang alok nito. Kung sakali mang may masamang balak ang matanda ay mamaya na lamang nya iyon pagtutuunan ng pansin. Ngayon mas importante para sa kanyang malamnan ang kanyang kumakalam na sikmura.
-------------------------------------------------------------
Pagdating sa karinderya ay umorder na kaagad ang matanda pagkatapos tingnan kung anong ulam ang meron. Isang order ng sinigang na baboy, bikol express, at 2 order ng kanin. Wala pa man siyang sinasabi ay parang alam na ng matanda kung anong paborito nya. Psychic kaya si tong si lolo?
“May problem aba sa inorder ko? Hindi ka ba kumakain nyan”, tanong ng matanda.
“Ahhh hindi po. Paborito ko nga po yan eh. Nagulat lang po ako. Paborito nyo rin po yan?” tanong nya.
“Ahhh pwede na ring paborito. Nung tiningnan ko kase sya kanina sila yung mukhang pinakamasarap”, sambit ng matanda. “Sige kain ka na. Pagkatapos ikwento mo na kung anong problema mo”.
“Pinapakain nyo po ako ni hindi ko man lang po nakuha yung pangalan nyo”.
“Andres ang totoong pangalan ko. Pero mas hip siguro kung tawagin mo nalang akong Lolo Andrew”, sagot ng matanda.
“Ah, Lolo Andrew, salamat po pala sa pagkain ha, ang totoo hindi pa po ako kumakain simula kanina”, sambit ng binata.
“Naku wag mo nang alalahanin yun, mukha ka na kaseng hihimatayin din sa gutom. Kumain ka na muna at pag medyo nalamanan na ang sikmura mo, saka ka na magsimulang magkwento”, sagot ng matanda.
Nung una ay nahihiya pang magsimulang kumain si Andoy, ngunit kinalaunan ay hindi na nya matiis ang kalam ng kanyang sikmura. Wala pa atang sampung minuto ay naubos na nya ang inorder na pagkain ng Lolo Andrew.
“Naku mukhang kulang pa ata ang na-order ko, teka order pa ko ulet,” sabi ng matanda.
“Ay naku wag na po, okay na po ako. Mabilis lang po talaga kong kumain,” ngiti ng binata.
“Baka naman nahihiya ka lang, wag ka nang mahiya, may extra pa naman ako dito.”
“Naku hindi na po, okay na po talaga ako.”
“O sige, sabi mo eh. Pero kung magbago isip mo mamaya sabihin mo lang sakin.”, sabay ngiti sa kanya.
“Tatay ko po ba kayo?”, biglang bulalas ni Andoy.
“Ha? Bakit mo naman biglang naitanong yan?”, tanong ng matanda.
“Eh kase po ang gaan-gaan ng pakiramdam ko sa inyo, eh kadalasan po yung mga napapanood ko sa tv kapag ganun kadugo,” sagot ng binata.
Napatawa si matanda sa sagot ng binata. “Naku wag kang masyadong nagpapaniwala sa mga napapanood mo, minsan ginagawan lang nila yun ng drama.”
“Wala lang naitanong ko lang po, nagbabakasali lang”, sabay ngiti.
“Naku iho, medyo malabo din naman yun. Lolo siguro pwede pa.”
-------------------------------------------------------------
“So ayun po ang mga pangyayari ngayong araw.” Sabi ni Andoy sa pagtatapos ng pagkukwento nya.
“Naku iho, mukhang hindi nga maganda ang araw na ito para sa iyo. Kahit sino siguro talagang magagalit kapag ganyan ang nangyari sa kanila.”
“Minsan nga napapaisip ako kung bakit pa ko pinanganak eh. Parang wala namang magandang nangyayari sa akin.”
“Hindi naman siguro ganun yun iho, baka hindi mo lang napapansin.”
“Hindi ko nga po siguro napapansin. Yung nangyari ngayong araw, wala pa ho yun. May mga araw na mas malala pa po ang nangyayari. Naging agahan ko na ang sermon, tanghalian ang pangungutya, at hapunan ang sama ng loob. Sanayan lang naman ata sya, pero minsan hindi ko na rin kinakaya. Parang puro pasakit nalang ang nangyayari sakin. Minsan nga naiisip ko mas madali pa ata kung mamamatay na lang ako.”
“Naku iho, kahit anong mangyari, yan ang wag na wag mong gagawin. Kasalanan sa Diyos ang kunin ang sariling buhay.”
“May Diyos po ba talaga? Kase parang sa lahat ng pinagdaanan ko, parang wala akong naramdamang Diyos. Kung meron man, baka tinalikuran yon.”
Panandaliang tumahimik si Mang Andrew na tila nag-iisip. Makaraan ang ilang minuto, bigla itong nagsalita.
“Alam mo iho, alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon. Parang puro problema lang ang dumarating sa iyo. Para bang wala nang magandang nangyayari sa buhay mo. Mahirap talagang maisip na may Diyos kapag parang sa tingin mo ay tinalikuran ka nya. Pero maling isipin yun, mas lalong maling isipin na wala kang halaga at kamatayan lang ang solusyon sa mga problema mo.”
“Dati iho, ganyang ganyan din ako”, pagpapatuloy ni Mang Andrew “Nung mga kasing-edad mo siguro ako, ganyan din yung mga nararamdaman ko. Pakiramdam ko rin na walang nangyayaring maganda sa buhay ko. Minsan din naiisip ko na parang puro pasakit na lang ang meron sa buhay ko. Umabot na rin ako sa puntong parang mas gugustuhin ko na lang mamatay kesa sa maramdaman ng paulit-ulit ang mga hirap na nararamdaman ko. Naging ganun ang paniniwala ko hanggang sa may isang taong tumulong sa akin.”
“Ang sabe nya sa akin, ‘Yung mga pinagdadaanan natin hindi yun masama o mabuti. Depende yun sa kung anong pananaw natin sa buhay. Kung ang tingin natin masama sya, magiging masama sya. Kung mabuti sya, nagiging mabuti. At yun din ang naglalapit satin sa mas maraming mabubuti o masasamang pangyayari.”
“Kunwari yung problema mo sa eskwelahan. Pwede mong isipin na hindi ka nababagay dun, o pwede mong isipin na karapat-dapat talagang naroroon ka. Hindi ka naman makakapasok siguro dun kung hindi mo talaga pinaghirapan yun diba? Imbes na magalit ka kung bakit sa ganung eskwelahan ka nag-aaral, isipin mong maswerte ka at nakakapasok ka sa isang paaralang pangmayaman kahit hindi ka naman mayaman. Malay mo diba, yung appreciation lang na yun pala ang kelangan para magbago ang pagtingin ng mga kaklase mo sayo.”
“O kaya naman yung sa magulang mo, pwede mong isipin na kaya ka ipinanganak upang bigyang katuparan ang pangarap ng magulang mo. O kaya naman, ikaw pala ang magsasakatuparan ng mga pangarap nila.”
“Minsan sa paraan lang ng pag-iisip yan. Kung maganda ang pagtingin mo sa buhay, kahit anong pagsubok pa yan magiging isang mabuting bagay pa rin sya. At hindi mo napapansin, unti unti nang giginhawa ang buhay. Mukhang matalino ka namang bata, maiintindihan mo lahat ng ito balang araw. Wag mo masyadong indahin lahat, hindi ka nag-iisa. Tandaan mo lang magdasal ang magpasalamat sa lahat ng nangyayari sa buhay mo.”
-------------------------------------------------------------
Ilang oras na ang nakalipas pagkatapos ng pag-uusap nila ni Mang Andrew. Ninamnam niya ang mga sinabi ng matanda sa kanya. Kahit papaano’y sumasang-ayon naman siya sa sinabi ng matanda – nahihirapan lang syang intindihin ito sa ngayon. Siguro’y hindi pa sapat ang mga naranasan nya upang lubusang maintindihan ang mga sinabi nito, pero pinangako nya rito na susubukan nyang maging positibo sa buhay.
Ilang sandali pa ay nakarating na si Andoy sa harap ng kanilang bahay. Naisip nyang hindi pa siguro kumakain ang kanyang ina dahil umalis sya bago pa sya makapagluto. Pagkatapos pakalmahin ang sarili, pumasok na sya sa bahay upang ipagluto ang kanyang ina ng hapunan.
Hindi malayo sa bahay nila Andoy ang nakatingin si Mang Andrew. Bago pumasok sa lagusan pabalik sa kanyang panahon, ngumiti ito at nagsabing “magiging maayos ang lahat, maging matatag ka lang.”
=====================================
No comments:
Post a Comment